-- Advertisements --

Inihayag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na hindi umano nakatali si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ilalabas na shortlist ng Judicial and Bar Council para sa susunod na Ombudsman.

Ayon sa kanya, hindi limitado ang presidente sa rekomendasyong ilalabas nito sa kung sino ang nais nitong maitalagang bago para sa naturang posisyon.

Aniya’y maaring pabuksan muli ni Pangulong Marcos Jr. ang aplikasyon sakaling wala itong mapili sa shortlist ng mga nominado mula sa Judicial and Bar Council.

Kanya itong sinabi kasabay ng mga panibagong reklamong inihain sa Ombudsman kontra sa kalihim na kanyang pinaratangang layon lamang mapigilan siya makakuha ng clearance.

Ngunit maaalalang taliwas naman ito sa naunang inihayag ng Korte Suprema kung saan iginiit nito na ‘unconstitutional’ ang hindi pagpili mula sa shortlist ng Judicial and Bar Council.

Ani kasi Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, base sa konstitusyon ay kinakailangan pumili rito ang presidente sa kanyang itatalagang uupo bilang bagong Ombudsman.