-- Advertisements --

Nasa mabuti na umanong kalagayan si PBA legend Nelson Asaytono matapos atakihin sa puso kamakailan.

Ayon kay NLEX team manager Ronald Dulatre, sinabi sa kanya ni General Trias City, Cavite Vice Mayor Maurito Sison na nakalabas na ng ICU at kalaunan ay na-discarheg na sa ospital sa lungsod ang dating PBA star.

Sa bahay na rin umano magpapagaling si Asaytono.

Kaugnay nito, naabisuhan na rin si PBA commissoner Willie Marcial tungkol sa kondisyon ni Asaytono, na three-time Mythical First Team at two-time Best Player of the Conference sa karerang tumagal ng 17 seasons.

Sinabi ni Marcial, magpapabot ng tulong pinansyal ang liga para sa 53-anyos na si Asaytono.

Matatandaang napili ang tinaguriang “The Bull” bilang second overall pick noong 1989, at nagbulsa ng pitong PBA championships suot ang uniporme ng Purefoods, Swift, at Red Bull.