-- Advertisements --

Umakyat na sa 80 katao ang nasawi habang 31 ang nawawala dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng.

Ayon sa datus ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang 38 sa mga nasawi ay nakilala na habang ang iba ay patuloy pa nilang bina-validate.

Karamihan sa mga nasawi aniya ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na mayroong 40 na sinundan ng Region 6 o Western Visayas na mayroong 18 habang sa Calabarzon ay mayroong 12, mayroong apat naman sa Region 9 Zamboanga Peninsula.

Nagtala naman ng tatlong nasawi sa Soccsksargen o Region 12 habang ang Region 8 o Eastern Visayas ay mayroong dalawa at isa ang naitala sa Region 5 o sa Bicol Region.

Naitala rin ang maraming nawawala sa BARMM at sa Eastern Visayas na mayroong tig-10.

Aabot sa 339,051 pamilya o katumbas ng 1.174 milyon na katao ang naapektuhan ng nasabing bagyo kung saan 70,538 pamilya o 266,984 katao ang dinala sa mga evacuation centers.

Nagtala rin ng 150 ng mga kalsadang hindi madaanan at 60 ng mga tulay na hindi rin madaanan.