-- Advertisements --

Ipinapanukala ni Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform Chairman Senador Kiko Pangilinan na ilipat ang bahagi ng pondong nakalaan para sa flood control tungo sa Libreng Almusal Program para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Ito, aniya, ay upang matugunan ang lumalalang kaso ng stunting, malnutrisyon, at mataas na bilang ng mga tumitigil sa pag-aaral ng mga bata, gayundin upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda.

“Magkano ba ang magiging kinakailangang dagdag budget na hindi lamang sa mga stunted, kundi para sa lahat? Base na rin doon sa ililipat na ilang pondo ng flood control dahil ito ay malulustay lamang at hindi kailangan o kaya ay inaayos pa, ilagay natin sa ganitong klaseng programa,” ani Pangilinan.

Bukod sa paglaban sa stunting at malnutrisyon, binigyang-diin ng senador na ang pagbibigay ng libreng almusal mula kindergarten hanggang senior high school ay makatutulong upang mapataas ang attendance at learning capacity ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng panukalang batas, kalahati ng budget para sa Libreng Almusal ay ilalaan sa pagbili ng pagkain mula sa lokal na magsasaka at mangingisda upang matiyak na sariwa at masustansya ang pagkain ng mga mag-aaral.

Binanggit ni Pangilinan na umaabot sa ₱11.7 bilyon ang ginagastos ng Department of Education (DepEd) para sa kanilang feeding programs.