Nagpaabot ng chocolate birthday cake si U.S. President Donald Trump sa pamamagitan ni Brian Burch, ang bagong itinalagang ambassador ng Amerika sa Vatican para sa ika-70 kaarawan ni Pope Leo XIV.
Ipinagkaloob ni Burch ang regalo mula sa Portillo’s, isang sikat na kainan sa Chicago noong Sabado.
Magugunitang si Pope Leo, ang unang Amerikanong Santo Papa, na tubong Chicago at nahalal noong Mayo kapalit ni Pope Francis.
Kilalang konserbatibo si Burch at naging kritiko ni Pope Francis, lalo na sa pagiging bukas nito sa LGBTQ Catholics. Sa kabila ng kontrobersiya sa kanyang nominasyon, tinanggap pa rin siya ng Vatican bilang ambassador.
Sa handout video, makikitang natawa si Pope Leo sa inabot na cake. Biro ni Burch, “Portillo’s sent it to you,” at tugon ng Santo Papa, “And you brought it.”
Ang kaganapang ito ay maituturing na pagsisimula ng bagong yugto ng diplomatikong ugnayan sa pagitan ng U.S. at Vatican.