Masayang inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na sila ang unang local government unit (LGU) sa Pilipinas na nakakuha nang approval sa kanilang COVID-19 vaccination plan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto na ang Pasig City ang siyang unang LGU na mayroong Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO)-approved vaccination plan sa bansa.
Ginawa ni Sotto ang naturang anunsyo matapos na makipagpulong kina vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., testing czar Secretary Vince Dizon, Metro Manila Development Authority general manager Jojo Garcia, Interior Undersecretary Epi Densing at Health Undersecretary Carol Taiño.
Ayon kay Sotto, ang Beat COVID-19 Task Force ng lungsod ay patuloy na makikipagtulungan sa national government, WHO, private medical institutions, at non-government organizations para matiyak na magiging matagumpay ang kanilang vaccination program.
Nabatid na nahahahati sa tatlong phases ang COVID-19 vaccination plan ng Pasig City: pre-vaccination, vaccination at post-vaccination.
Balak ng lungsod na gawing prayoridad dito ang mga frontline health workers, indigent senior citizens, iba pang mga nakatatanda, mga mahihirap at uniformed personnel.
Ang lungsod ay mayroong 16 na vaccination sites, kung saan tatlong teams ang nakatoka sa bawat site.
Layon nila na makapagbakuna ng 33,000 katao kada linggo.
Ang Pilipinas ay naglaan ng P73.2 billion para sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19, kung saan P40 billion rito ay nagmula sa mga multilateral agencies, P20 billion sa domestic sources, P13.2 billion sa bilateral agreements.
Sa susunod na buwan target ng pamahalaan na masimulan ang pagtuturok ng naturang bakuna.