-- Advertisements --

Lalo pang lalakas hanggang sa typhoon level ang bagyong may international name na Nanmadol, habang ito ay papalapit sa Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), maaaring pumasok ito sa karagatang sakop ng Pilipinas bukas ng umaga at bibigyan ng local name na “Josie.”

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,850 km sa silangan ng extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 95 kilometro bawat oras at may pagbugsong 115 kilometro kada oras.

Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Sa ngayon, pinaiigting ng severe tropical storm Nanmadol ang hanging habagat na posibleng magdulot ng pagbuhos ng ulan, na maaaring magresulta sa baha at pagguho ng lupa.