-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6716 na naglalayong magpatupad ng settlement program para sa mga mangingisda.

Aamyendahan nito ang Section 108 ng Philippine Fisheries Code of 1998.

Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, batay sa Fisheries Code, tanging ang DA lamang ang ahensyang inatasan na ipatupad ang programa, kaya’t hindi ito agad naisakatuparan.

Kailangan pa kasing tukuyin na ang lugar na pagtatayuan ng settlement area ay isang public domain, bagay na DENR ang may kapangyarihan.

Sa pagtatayo ng settlement area ay titiyakin na malapit ito sa kanilang lugar ng pangisdaan.

Pinasasama naman sa comprehensive land use plans ng mga lokal na pamahalaan ang pagtukoy sa posibleng mga settlement area para sa mga mangingisda.

Maliban sa Department of Agriculture ay binibigyang mandato na rin ang Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Environment and Natural Resources, at mga lokal na pamahalaan na tukuyin ang mga settlement area na may sapat na akses sa pangisdaan.