Iminumungkahi ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan na dumaan ng EDSA tuwing umaga at sa tinatawag na rush hour sa gabi.
Ayon kay Erice, ang limang lanes sa EDSA ay ilalaan na lamang sa mga public utility vehicles gaya ng mga bus mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes.
Nasa 300,000 pribadong sasakyan kasi aniya ang dumadaan sa EDSA araw-araw, habang nasa 8,000 lamang ang mga bus.
“Ang makakapabor dito, bibilis ang daloy ng trapiko. ‘Yung dating dalawa o tatlong oras, baka wala pang isang oras from Monumento to Makati,” ani Erice.
Samantala, sinabi ni Erice na mayroong apat na option ang mga may-ari ng mga pribadong sasakyan na maaapektuhan ng mungkahing ito.
Kabilang na rito ang pagtungo sa kanilang pupuntahan bago sumapit ang alas-6:00 ng umaga at gumamit ng mga alternative route tuwing rush hour.
Bukod dito, maari rin naman daw sumakay ang mga ito sa mga bus o dumaan sa EDSA pagkatapos ng rush hour.