Sa botong 289 pabor, 7 tutol, 2 abstain, inaprubahan na ng House of Representatives sa third and final reading ang panukalang pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Binigyang-diin ni Speaker Martin Romualdez na ang panukalang economic amendments sa 1987 Constitution ang siyang huling piraso sa palaisipan ng mga hakbang sa pamumuhunan ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr . upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya, lumikha ng mas maraming pagkakataon sa trabaho at kita, at sa pangkalahatan at gawing mas mahusay ang buhay ng mga Pilipino.
Sinabi ni Speaker na ang pagbabago sa restrictive economic provisions na ra-ratipikahan ng publiko sa pamamagitan ng plebisito ay lalong magpapalakas sa mga investment missions ng Pangulong Marcos sa ibang bansa.
Naniniwala si Romualdez na ang pag apruba ng Kamara sa Resolution of Both Houses No. 7 ay magpapadala ng malakas na mensahe sa mga foreign investors at international community na ang Pilipinas ay bukas na sa negosyo at pamumuhunan.
Umaasa naman si Speaker na aaprubahan na rin ng Senado ang kanilang bersiyon ng RBH No. 6.
Ayon kay Speaker, tinupad ng Kamara ang pangako nitong aprubahan ang panukala sa pag-amyenda bago mag holy break ang House of Representatives.
Ang pag-apruba ng RBH No. 7 ay pagkatapos ng dalawang linggo ng kumpletong deliberasyon sa plenaryo, na sinundan ng parehong malawak at marathon na dalawang linggo ng mga pagdinig ng Committee of the Whole House.
Ang RBH No. 6 at RBH No. 7 ay kapwa may titulong “A Resolution of Both Houses of Congress proposing amendments to certain economic provisions of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, particularly on Articles Xll, XlV and XVl.”