-- Advertisements --

Pormal nang naisumite ng Independent Commission for Infrastructure ang panibago nitong ‘referral’ sa Office of the Ombudsman ukol sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Pasado alas-tres ng hapon nang matanggap ng mga tauhan ng tanggapan ang kahun-kahong mga dokumento naglalaman ng ‘referral’ ng komisyon.

Bagama’t hindi personal iprenesenta o idinala ng chairman ng komisyon ang panibago nitong referral, ang mga abogado naman ng Independent Commission for Infrastructure ang siyang nagsumite nito.

Sa inihaing ‘referral’, inirerekumendang mapakasuhan ng komisyon sina Maynard Ngu, Ruel Umali, Carlo Aguilar, Gene Ryan Altea, mga opisyal at pati dating senador na si Bong Revilla Jr.

Ayon sa tagapangulo ng Independent Commission for Infrastructure na si Justice Andres Reyes, posibleng mga kaso ay direct or indirect bribery, corruption of public officials, plunder, at administrative sanctions laban sa mga sangkot sa flood control scandal.

Kanila ring isinumite ang panibagong mga ebidensya kaugnay sa nakaraan referrals na maaring magdulot para sa karagdagang kaso laban kina former Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan, former Usec. Catalina Cabral, former Usec. Roberto Bernardo, former Congressman Zaldy Co at iba pa.

Habang kalakip rin sa isinumiteng referral ng komisyon ang mapaimbestigahan sa Ombudsman para sa case buildup laban sa ilang mga opisyal nahaharap sa mabibigat na alegasyon o dawit umano sa isyu ng korapsyon.

Kabilang na rito ay sina former Senate President Chiz Escudero, Sen. Nancy Binay, Sen. Grace Poe-Llamanzares, at Sen. Mark Villar.

Buhat nito, base sa proseso ng Ombudsman, dadaan pa ito sa evaluation, fact-finding, preliminary investigation upang matukoy ang kung tatayo bilang kaso bago maisampa sa kaukulang korte.