-- Advertisements --

Umani ng panibagong tensyon ang ugnayan ni U.S. President Donald Trump at Pope Leo XIV matapos muling banatan ng pangulo ang Santo Papa sa social media, kung saan tinawag itong “hyper-liberal partisan” at kinuwestiyon ang kredibilidad bilang Pope.

Nag-ugat ang sigalot sa magkasalungat na pananaw hinggil sa digmaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na pansamantalang nahinto dahil sa isang ”fragile ceasefire.”

Sa serye ng mga post online, ibinahagi ni Trump ang umano’y mga lumang pahayag ng Santo Papa bago ito mahalal, gamit ang pangalang Robert Prevost.

Batay sa mga kumakalat na screenshot, makikitang kritiko umano ang Papa sa “America First” na polisiya, pati na kina Trump at U.S. Vice President JD Vance, lalo na sa usapin ng immigration, gun control, at iba pang isyu.

Ang naturang social media account ay burado na umano noong araw na mahalal siya bilang Santo Papa, na nagdulot ng haka-haka na tinanggal nito ang kanyang mga dating pahayag.

Hindi naman direktang sinagot ni Pope Leo ang mga bagong banat ni Trump.

Maaalalang unang kinondena ng Santo Papa ang nasabing digmaan kung saan tinawag niya itong “atrocious” at “inhuman.”

Sa kabilang banda sa kanyang biyahe mula Algeria patungong Cameroon bilang bahagi ng kanyang 10-araw na pagbisita sa Africa, iginiit pa ng Santo Papa ang kahalagahan ng paggalang at pakikipagdayalogo sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala.

Ayon kay Pope Leo, posibleng mamuhay nang mapayapa ang mga tao kahit magkakaiba ang relihiyon, paraan ng pagsamba, at pamumuhay.

Sa hiwalay na post, iginiit ni Trump na hindi dapat maliitin ang banta ng Iran, dahil sa libo-libo na ang nasawi gayundin ang panganib ng pagkakaroon nito ng nuclear weapons.

Mag-iisang taon na sa Mayo si Pope Leo bilang pinuno ng 1.4 bilyong miyembro ng Simbahang Katolika. Matapos ang tahimik na unang mga buwan ng kanyang pamumuno, naging mas vocal siya kamakailan, partikular sa kanyang pag-puna sa nangyayaring digmaan sa Middle East.

Sa isang panayam, sinabi ng Santo Papa na ipagpapatuloy niya ang kanyang pagbatikos sa digmaan sa kabila ng mga pahayag ni Trump.

Samantala, binigyang-diin naman ni U.S. VP JD Vance na dapat maging maingat ang Pope sa kanyang mga pahayag kaugnay ng mga usaping may kinalaman sa digmaan.