-- Advertisements --
image 59

Pinayuhan daw ngayon ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) kaugnay pa rin sa kanilang planong magkaroon ng bagong depenisyon kung sino ang mga maikokonsiderang fully vaccinated laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Health officer-in-charge Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ipinanukala raw kasi ng DOH na ang term na “fully vaccinated” ay ang itatawag sa mga nakatanggap ng dalawang doses at unang booster shot laban sa COVID.

Sa ngayon, ang mga maituturing na fully vaccinated ay ag mga mayroong primary series ng dalawang doses.

Pero ayon daw sa Pangulong Marcos, mas maiging huwag na muna itong baguhin para hindi magdulot ng kalituhan lalo na’t marami umanong polisiya ang inilalabas ng pamahalaan.

Sumang-ayon naman si Vergeire sa naging pahayag ng Pangulong Marcos na posibleng magdulot lamang ito nang kalituhan dahil na rin sa kampanya ng pmahalaan na pabilisin pa ang booster uptake.

Dahil dito, sa halip na baguhin ang kahulugan ng fully vaccinated ay nagbigay na lamang daw ang Pangulong Marcos ng instruction na paigtingin pa ang kanilang pagsisikap para mapaganda ang COVID-19 vaccination sa ground.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng incentive at disincentive scheme.

Kaya naman, pag-aaralan daw munang mabuti ng Health department ang naturang plano.

Ang mahalaga raw sa ngayon ay magkaroon ng whole of society approach para mapaganda pa ang coverage ng pagbabakuna sa mga susunod na buwan.

Sa datos ng DOH, ang national COVID-19 vaccination dashboard sa ngayon ay kinabibilangan ng 72.7 million Filipinos ang fully vaccinated laban sa COVID-19, 18.5 million naman ang nakatanggap ng booster shots.