-- Advertisements --

LAOAG CITY – Isang makulay at masiglang seremonya ang isasagawa sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS) upang markahan ang opisyal na pagbubukas ng ika-65 Palarong Pambansa.

Pangungunahan ito nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na nagbigay ng inspirasyon sa mga kabataang atleta mula sa buong bansa.

Sa temang “Nagkakaisang Kapuluan,” magtitipon ang mahigit 15,000 na delegado mula sa 17 rehiyon, National Academy of Sports (NAS), Philippine Schools Overseas (PSO), at National Technical Working Group. Ang seremonya ay magsisimula ng alas-5 ng hapon sa pamamagitan ng “Parada ng mga Atleta” sa Rizal Street at Sirib Mile sa Laoag City.

Itamtampok ng nasabing programa ang pagtatanghal na pinamagatang “Palakasan: Tales of Filipino Strength,” na nagbigay pugay sa mga kwento ng katapangan at lakas ng mga Pilipino, kabilang ang alamat ni Lam-ang, ang Basi Revolt, at ang pamana ni Ilocano Olympian Teofilo Yldefonso.

Si Gerick Jhon Flores, ang baseball prodigy at record-holder sa 11th BFA U12 Asian Baseball Championship, ang magbibigay ng “Athlete’s Oath” sa ngalan ng mga kabataang atleta.

Ang simbolikong pag-iilaw ng Palarong Pambansa lightbeam ay pangungunahan ng mga pinarangalan na atleta mula sa nakaraang mga edisyon ng Palaro, SEA Games, at Paralympics, kabilang sina Jemmuelle James Espiritu (Archery), Mark Anthony Domingo (Athletics), Jesson Cid (Decathlon), Roger Tapia (Para-athletics), at Eric Ang (Trap Shooting).

Magbibigay din ng makapangyarihang pagtatanghal ang mang-aawit na si Angeline Quinto sa pamamagitan ng pag-awit ng mga kantang “Ako ay Pilipino” at “Piliin Mo ang Pilipinas,” na magbibigay ng inspirasyon sa mga kabataang atleta at manonood.

Ang Palarong Pambansa 2025 ay magsasagawa ng mga kompetisyon hanggang Mayo 31, 2025. Ang mga laro ay itinatampok sa 24 na regular na sports, kabilang ang athletics, basketball, volleyball, gymnastics, taekwondo, at swimming. Kasama rin ang mga demonstration sports tulad ng weightlifting at exhibition events sa kickboxing, football, at futsal para sa mga kababaihan.

Ang Palarong Pambansa 2025 ay isang makasaysayang kaganapan na nagtatampok ng kahusayan sa palakasan at kultura, at nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipino patungo sa mas maliwanag na hinaharap.