-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inaasahang dadalo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Department of Education Sec. Juan Edgardo “Sonny” Angara at mga opisyal ng probinsiya sa pangunguna nina Gov. Matthew Marcos Manotoc at Vice Gov. Cecilia Araneta-Marcos sa opening ceremony ng Palarong Pambansa 2025.

Magsisimula ang laro sa Mayo 24 at magtatapos sa Mayo 30 na may temang “Nagkakaisang Kapuluan.”

Inaasahang lalahok ang 17 libong atleta, coach, opisyal ng paaralan at technical officials mula sa labing pitong rehiyon sa buong bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni Gov. Manotoc na ang matagumpay na pagdaraos ng iba’t ibang pambansa at internasyonal na kompetisyon tulad ng rowing, basketball, volleyball, cycling, surfing, at iba pang aktibidad ay malaki ang naiambag sa paghahanda ng lalawigan para sa Palarong Pambansa.

Bukod dito, tiwala ang Gobernador na ang pagho-host na ito ng Palarong Pambansa ay magdudulot ng masaganang benepisyo sa lalawigan sa sektor ng ekonomiya lalo na sa turismo, transportasyon at maliliit na negosyo.

Samantala, ayon kay P/Lt.Col. Jephree Taccad, Chief Provincial Operation Management Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office, handang-handa na ang augmentation force para sa Palarong Pambansa 2025.

Aniya, nakikipagtulungan sila sa Philippine Marines, Philippine Army, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection para magbigay ng tulong medikal.