Nag-alok na rin ng tulong ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang umalalay sa pagbabantay ng mga proyekto sa imprastraktura sa gitna ng isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Sa 51st Philippine Business Conference, sinabi ni PCCI Chairman Ferdinand Ferrer kay DPWH Secretary Vince Dizon na may mga PCCI chapter sa buong bansa na maaaring magsilbing mata at tenga ng ahensya sa mga proyekto. Aniya, kung maagang nalaman ng pribadong sektor ang pagkaantala o iregularidad sa mga proyekto tulad ng silid-aralan at flood control, madali sana itong naaksyunan.
Malugod namang tinanggap ni Sec. Dizon ang alok, kasabay ng pagbanggit na umaabot sa 20,000 proyekto ang minomonitor ng DPWH.
Inihayag din niya na nakipagpulong na sila sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa Citizen Participatory Audit kung saan maaaring makilahok ang mamamayan sa pag-audit ng mga proyekto mula sa bidding hanggang matapos.
Kasabay nito, inanunsyo ni Dizon na tutulungan ng Converge ICT sa pamumuno ng Chief Executive Officer nito na si Dennis Uy ang DPWH sa pagbuo ng online transparency portal, kung saan makikita ng publiko ang impormasyon sa bawat proyekto, mula budget hanggang sa pag-usad nito.
Ayon kay Dizon, layunin nitong maiwasan ang katiwalian sa mga proyektong isinasagawa nang palihim, at magsilbing modelo ng kooperasyon ng pamahalaan at pribadong sektor para sa tapat at bukas na pamamahala.