Nanawagan si Senador Kiko Pangilinan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isapubliko ang mga ikinakasang mga pagdinig para sa transparency at accountability.
Ayon kay Pangilinan, hindi mainam ang naging pasya ng ICI na hadlangan ang publiko na masubaybayan online ang kanilang mga pagdinig.
Ito ay matapos igiit ng ICI na kailangan nilang iwasan ang “trial by publicity” at mapigilan ang paggamit ng mga pagdinig para sa pansariling interes o pampulitikang agenda ng sinuman o ng anumang grupo.
Binigyang-diin ng senador, na siya ring namumuno sa Senate Committee on Justice and Human Rights, na nag-uugat ang mga corruption scandals sa kakapusan ng sistemang pangkatarungan.
Binigyang-diin pa niya na mahalaga ang mabilis na paglilitis at paghatol, mas mabibigat na parusa, at gawing non-bailable offense ang korupsyon upang matiyak ang pananagutan at mabuting pamamahala.
Sa huli, muling nanawagan si Pangilinan sa ICI na buksan ang mga pagdinig sa publiko at nagbabala na huwag aniyang subukin ang kagustuhan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.