-- Advertisements --

Habang nagtitipon ang College of Cardinals sa Vatican para sa makasaysayang conclave ngayong 2025, hindi lamang kung sino ang mahahalal bilang bagong Santo Papa ang pinag-uusapan kundi pati na rin kung anong pangalan ang kanyang pipiliin.

Ayon sa ulat ng Vatican News, ang pagpili ng pangalan ang unang opisyal na ginagawa ng bagong halal na Papa matapos niyang tanggapin ang tungkulin bilang kataas-taasang Pontiff, kung saan ay pormal na inihahayag sa pamamagitan ng pag-anunsyo sa Latin na ”Habemus Papam” (May Papa na tayo).

Ang tradisyon ng pagpapalit ng pangalan ng Pope ay may ugat sa sinaunang Kristiyanismo, na sumasalamin sa espiritwal na pagbabago, gaya ng nangyari kay San Pedro na dating si Simon. Sa paglipas ng panahon, naging pangkaraniwan ang pagpapalit ng pangalan upang iwaksi ang mga pinagmulan ng orihinal na pangalan. Opisyal itong naging pamantayan noong 955 AD sa ilalim ni Pope John XII.

Sa kasaysayan, 129 sa 266 na Pope ang nagpalit ng pangalan matapos mahalal. Ang kanilang mga piniling pangalan ay kadalasang naglalaman ng malalim na kahulugan at mensahe—maaaring pagpapatuloy ng tradisyon, pagpupugay sa naunang mga Santo Papa, o indikasyon ng bagong direksiyon para sa Simbahan.

Pinakaginagamit sa kasaysayan ang pangalang “John” (23 beses), kasunod ang “Gregory” at “Benedict” (tig-16), at “Pius” (12). Si Pope Benedict XVI, halimbawa, ay pumili ng pangalang “Benedict” bilang paggunita kay Pope Benedict XV, isang tagapamayapa noong unang digmaang pandaigdig, at kay Saint Benedict ng Nursia, tagapagtatag ng Western monasticism.

Ang ilan ay gumawa rin ng kombinasyon, tulad nina Pope John Paul I at John Paul II, bilang pagbibigay-pugay kina John XXIII at Paul VI. Samantala, si Pope Francis, ang unang gumamit ng pangalang “Francis,” na sumalungat sa tradisyon bilang simbolo ng kababaang-loob at reporma, inialay sa alaala ni San Francisco ng Assisi.

Sa kabila nito may mga pangalan paring hindi pa nagagamit kabilang na ang Joseph, James, Andrew, at Luke at walang sinuman ang pumili ng pangalang ”Peter II”, bilang tanda ng matinding paggalang kay San Pedro, na pinaniniwalaan ng Simbahang Katolika bilang unang Pope ng Simbahan.

Sa pag-usad ng conclave, sabik ang mga mananampalataya at tagasubaybay sa buong mundo na malaman hindi lamang kung sino ang susunod na lider ng Simbahang Katolika, kundi kung anong pangalan ang dadalhin niya. Pangalang maaaring magbigay-linaw sa landas na tatahakin ng Simbahan sa mga darating na taon.