-- Advertisements --

Wala pang napili si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bagong pinuno ng Pambansang Pulisya kapalit ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil na pinalawig lamang ang termino dahil sa halalan.

Sinabi ng Malakanyang sa mga susunod na araw kanilang iaanunsiyo kung may napili na si Pangulong  Marcos.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na sa ngayon ay wala pang impormasyon hinggil sa kung sino ang posibleng italaga ni Pangulong  Marcos bilang successor ni Marbil.

Kabilang sa mga matutunog na pangalan bilang mga strong contenders ay mga 3-star Generals kabilang sina LtGen. Jose Melencio Nartatez  na umanoy malapit kay Senator Imee Marcos at CIDG chief MGen. Nicolas Torre III. 

Matunog ang pangalan ni Torre kasunod ng mga pinangunahan nitong sensitibong operasyon gaya ng pag- aresto kay Pastor Apollo Quiboloy at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag ni Castro na magagaling at may integridad ang mga nabanggit na pangalan subalit mas maiging hintayin na lang aniya ang anunsiyo ukol dito ni Pangulong Marcos.