-- Advertisements --
banac 2
Col. Bernard Banac

Hanggang sa ngayon wala pa ring nakukuhang matibay na ebidensya ang PNP na nag-iispiya sa bansa ang China gamit ang telecommunication network na Huawei.

Ito’y kasunod ng babala ni US President Donald Trump sa Pilipinas na nang-iispiya raw ang China na isa raw banta sa seguridad ng bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, hanggang sa ngayon ay walang makitang katibayan o pruweba ang PNP-Anti-Cyber Crime Group na nagsagawa ng validation ukol sa nasabing report para magpatotoo sa pahayag ng Washington.

Giit ni Banac, nakatutok ang PNP sa usaping pangseguridad ng Pilipinas at labas ito sa anumang mga problemang pangkalakalan na bumabalot sa naturang isyu.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Banac na wala pa naman naitatala na insidente na-hack ang produkto ng Huawei dito sa bansa ngunit nangako naman ang PNP na patuloy silang magbabantay para matiyak na hindi masasakripisyo o malalagay sa kompromiso ang ating seguridad.

“Sa ngayon wala po tayong nakikitang ebidensya na magpapakita or magpapatunay na may ganito nga pang-eespiya ang Huawei. Ang PNP ay wala pong naging kontrata or anumang ugnayan sa kumpanya ng Huawei at ang mga impormasyon na ating naririnig ay nanatili naman mga impormasyon at wala pong mga katibayan na talaga pong merong pang-eespiya,” wika ni Banac.