-- Advertisements --

Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni dating Senador at kasalukuyang Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang pagsasapubliko ng confidential at intelligence fund (CIF) sa oras na punahin ng Commission on Audit (COA).

Ito ay ang House Bill 1845, o ang CIF Utilization and Accountability Act na isa sa priority bills ng mambabatas.

Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng impormasyon at dokumento sa CIF ay awtomatikong ilalabas sa publiko kapag nag-isyu ang COA ng Notice of Disallowance sa disbursement ng naturang pondo.

Inirekomenda din ni de Lima na dapat hindi lalagpas sa 10% ng kabuuang taunang pondo ng isang ahensiya ang alokasyon para sa CIF maliban na lamang kung pinapayagan sa ilalim ng batas.

Nililimitahan din sa panukala ang mga ahensiyang dapat magkaroon ng alokasyon sa CIF gaya ng mga departmento, ahensiya o units na may mandatong may kinalaman sa national security, peace and order, at intelligence gathering.

Ang paghahain ni de Lima ng naturang panukalang batas ay sa gitna naman ng kamakailangang development kaugnay sa napaulat na umano’y misuse at malversation ng confidential funds na nagkakahalaga ng P612.5 million na alokasyon para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) kung saan nagsilbing kalihim noon si VP Sara Duterte, na isa sa basehan ng pag-impeach ng Kamara sa ilalim ng 19th Congress sa Bise Presidente.

Sa huli, sinabi ni de Lima na kinakailangan ang naturang panukala upang matiyak na ang CIF ay mahigpit na inilalaan sa mga makatwirang aktibidad at ahensya na may mga mandato na mapanatili ang pambansang seguridad, kapayapaan at kaayusan.