Nakatakdang dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations)-China Special Summit bukas, November 22.
Ito’y sa pamamagitan ng video conference bilang paggunita sa 30th anniversary ng dialogue relations.
Sa payahag na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), dadalo ang Pangulo sa nasabing event kung saan tatalakayin dito ang mga naging achievements ng ASEAN-China Dialogue Relations.
“Upon the invitation of President Xi Jinping of the People’s Republic of China, the President will join his ASEAN counterparts to take stock of the achievements of ASEAN-China Dialogue Relations over the past three decades and chart the future of the partnership for the next 30 years,” pahayag ng DFA.
Si President Xi ng China ang co-chairman ng summit kasama si His Majesty Sultan Haji Hassanal Bolkiah ng Brunei Darussalam, ang ASEAN Chairman for 2021.
Kabilang sa mga paksa sa summit ay ang panig ng Pilipinas sa “key areas of cooperation and regional issues.”
Bukod kay Pangulong Duterte, dadalo rin sa summit sina DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, Senator Christopher Lawrence Go, Presidential Assistant for Foreign Affairs Robert E.A. Borje, at Social Welfare and Development Undersecretary Luzviminda Ilagan.
Ang pagdalo ng Pangulo sa summit ay ilang araw matapos paulanan ng water canon ng Chinese Coast Guard ang dalawang barko ng bansa na nagdadala ng supplies para sa mga sundalong nakadeploy sa may bahagi ng Ayungin Shoal.
Inakusahan ng China ang dalawang barko ng Pilipinas ng tresspassing dahilan para i-water canon ang mga ito.
Dahil sa insidente umalma ang Estados Unidos sa ginawa ng Beijing.
Sa isang pahayag na inilabas ng Amerika, binigyang-diin nito na ang armadong pag-atake sa mga public vessels sa South China Sea ay maaaring i-invoke ng US mutual defense commitments sa ilalim ng 1951 Philippines-US Mutual Defense Treaty.