Bumuo na ang Department of Justice (DoJ) ng panel of prosecutors na hahawak sa criminal cases na inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng P1 billion shabu shipment na isinilid sa tapioca starch noong taong 2019.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ang kaso raw ay na-assign kay Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon at Assistant State Prosecutors Mary Jane Sytat at Ethel Rea Suril.
Una rito, inirekomenda ng NBI na sampahan ng graft at criminal charges ang ilang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bureau of Customs (BoC) at ilan pang indibidwal na sangkot dito.
Kabilang sa mga inirekomenda ni NBI Officer-in-Charge Eric Distor na isasampang kaso kay PDEA Chief Aaron Aquino ang paglabag sa Republic Act RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Employees), RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Ac, serious dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service maging ang paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Haharap din sa parehong reklamo ang mga customs broker na si Jane Abello Castillo at iba pang indibidwal dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa importasyon ng 60 sako ng tapioca starch na may bigat na 171 kilo.
Nakalagay ang mga ito sa mga aluminum na paleta nakalusot sa Manila International Container Port noong Enero 27, 2019 at kalaunan ay pina-auction pagdating ng Mayo ng parehong taon.
Sinabi noon ng PDEA na nailusot ng Chinese national na si Zhijian Xu alyas Jacky Co ang kontrabando kahit nakasali pa ito sa Interpol watch list.
Maliban naman kay Xu at Castillo, 15 iba pa ang nahaharap sa kasong isinampa ng PDEA dahil sa paglabag sa Section 4 o Importation of Dangerous Drugs at Section 31 ng RA 9165.
kabilang pa sa mga co-respondents ay sina Dong An Dong, Julie Hao Gamboa, Fe Tamayosa, Alvin Bautista, Carlo Dale T. Zueta, Abraham G. Torrecampo, Arwin P. Caparros, Leonardo S. Sucaldito, Mark Leo D. Magpayo, Brian Pabilona, Meldy Sayson, Rhea Tolosa, Edgardo Dominado, Jerry Siguenza, and Debbie Joy Aceron.
Inakusahan ang mga indibidwal na kasabwat ni Jacky Co para makalusot ang kontrabando sa bansa.
Marso 5, 2019 nang makita ng BoC at PDEA ang mga abandonadong shipment mula Cambodia.
Ang kaso ay konektado sa dating exposé ni Senator Panfilo Lacson noong May na pinuna ang desisyon ng BoC na idaan na lamang sa auction ang shipment ng tapioca starch na nakapangalan kay Goroyam Trading.