-- Advertisements --

Muling nabuhay ang mga panawagan na protektahan at isalba ang mga kabundukang pinaniniwalaang protektor o pananggalang laban sa pananalasa ng super typhoons tulad ng Uwan.

Kabilang na dito ang Sierra, Madre, Cordillera Range at Caraballo Mountains.

Marami sa mga Pilipino ang nananawagang protektahan ang mga ito laban sa iligal na pagmimina at iligal na pagtrotroso.

Ang Sierra Madre ay itinuturing na “backbone ng Luzon” dahil sa pagsalag nito sa mga bagyo bago pa man umabot sa kapatagan at ang pinakamahabang bulubundukin sa buong Pilipinas na may habang 540 kilometro mula Cagayan sa norte hanggang Quezon sa timog na parte ng Luzon.

Tinukoy din ng Climate Change Commission ng Pilipinas ang Sierra Madre bilang natural fortress at first line of defense ng Luzon laban sa mga kalamidad.

Subalit malaking banta ngayon sa Sierra Madre ang mga iligal na aktibidad gaya ng pagmimina, illegal logging at quarrying na nakapinsala na sa ilang parte ng kagubatan at nakadagdag pa sa problema tulad ng landslide o pagguho ng lupa at baha.

Ang Cordillera Range naman naman ay 320 kilometrong haba na binubuo ng mga probinsiya ng Cordillera Administrative region gayundin ng silangang parte ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at kanlurang parte ng Pangasinan, Nueva Vizcaya at Cagayan.

Ang Caraballo Mountains naman ay may habang 54 kilometro at nasa pagitan ng Cordillera at Sierra Madre mountain range.

Samantala, nilinaw naman ng storm chaser na si Josh Morgerman na kasalukuyang nasa bansa, ang misconception hinggil sa Sierra Madre.

Aniya, napapahina ng Sierra Madre chain ang mga bagyo “matapos” maglandfall sa east coast ng Luzon. Hindi aniya prinoprotektahan ng naturang mga bulubundukin ang east coast ng Luzon na regular na nakakaranas ng ilan sa malalakas na epekto ng mga bagyo sa buong mundo.