Iginagalang umano ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang obserbasyon ng United Nations Human Rights (UNHR) kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga sa bansa pero siniguro nito na nasa tamang direksyon ang war on drugs ng Duterte administration.
Ito ang sagot ng PNP sa pahayag ni United Nations High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet na nakakabahala na ang bilang ng mga namamatay sa drug war.
Ayon kay PNP Spokesman Police Col. Bernard Banac, iginagalang nila ang obserbasyon ni Bachelet.
Gayunman, sinabi ni Banac na kaduda-duda ang source ng UN sa mga namatay na sa operasyon ng mga pulis dahil hindi naman tugma ang datos ng UN sa datos na hawak ngayon ng PNP.
Lumabas kasi na sa UN na umabot na sa mahigit 27,000 ang nasawi sa drug war nitong Marso 2019 pero ang kumpirmadong bilang pa lang ng mga namamatay ay mahigit 5,000.
Ani Banac, lahat ng operasyon ng PNP ay nakabase sa standard operating procedure at may paggalang sa rule of law.
Samantala, patuloy naman ang pagberipika sa datos nilang mahigit 6,000 na ang nasawi sa drug war. Ikukumpara pa kasi nila ito sa PDEA para sa gaganaping real numbers forum.