ILOILO CITY – Nagpaabot ng pakikiramay ang presidente ng West Visayas State University matapos ang pagpapakamatay ng isang lalaki na nakitaan ng flu-like symptoms matapos umanong tanggihan ng staff ng WVSU Medical Center.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Joselito Villaruz, president ng West Visayas State University, sinabi nito na lubos ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktimang si Bergil Lencioco, 36, residente ng Brgy. Lambuyao, Oton, Iloilo.
Ayon kay Villaruz, ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19), ipinapatupad ng WVSU Medical Center ang triage, depende sa kalagayan ng pasyente.
Inihayag ni Villaruz na mayroon silang hiwalay na emergency room para sa mga pasyente na walang flu-like symptoms at COVID-19 patients.
Napag-alaman na kasama ni Lencioco na pumunta sa hospital ang kanyang asawa na isang guro at dahil walang bakante sa ospital, pinayuhan ang biktima na maghintay o di kaya’y magpaadmit na lang sa pribadong hospital.
Dahil dito, ikinagulat ng hospital management na sila ang sinisisi ng pamilya sa pagpapatiwakal ng biktima sa tulay sa Brgy. Pulo Maestra Vita, Oton dahil umano sa depesyon.