-- Advertisements --

Mayroon na ngayong contingency plan ang pamunuan ng Basilica Minore del Sto. Niño sakaling magkaroon ng masamang lagay ng panahon sa araw ng fluvial procession para sa Fiesta Señor ngayong Sabado, Enero 14 na magsisimula sa Naval Forces Central port sa Barangay Looc, Lapu-Lapu City hanggang Pier 1 nitong lungsod ng Cebu.

Ito ang inihayag ni Fr. John Ion Miranda sa isinagawang dry run nitong Miyerkules, Enero 11, kasama ang iba pang opisyal ng simbahan sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Coast Guard at Naval Forces Central.

Ayon pa nito, isasagawa ang motorcade para ibalik ang mga imahe ng Señor Sto. Niño at Our Lady of Guadalupe sa Basilica na idadaan sa Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) kung sakaling hindi papayag ng Coast guard na ituloy ang fluvial procession dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sinabi ni Miranda na target nilang matapos ang fluvial procession sa Sabado sa loob ng dalawang oras upang hindi maapektuhan ang iba pang aktibidad sa araw na iyon.

Dagdag pa na bukas,Enero 12, i-evaluate nila ang assessment ng translacion at fluvial procession dry-run.

Samantala, ilan pa sa mga relihiyosong mga aktibidad na nakahanay ay ang mga novena masses at ang Penitential Walk with Mary sa Biyernes na susundan ng translacion mass.