-- Advertisements --
Naghahanda ang mga otoridad sa Pampanga para sa inaasahan pang pagbaha dalawang araw mula ngayon dahil sa pag-agos pababa ng tubig mula Nueva Ecija patungo sa lalawigan.
Ayon sa mga kinauukulan, ilan kasing mga lugar sa Pampanga ay mga catch basins ng tubig na patungo sa Manila Bay.
Sa kasalukuyan, mino-monitor pa ang mga bahaing bayan gaya ng Macabebe, Masantol, at Apalit lalo pa’t sumabay ang high tide sa malakas na buhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses.
Inaasahan din ang pag-apaw ng Pampanga River, ngunit naging maagap ang lalawigan sa pagpapalikas ng mga residenteng nakatira sa mga low-lying areas.
Nabatid na hindi pa humuhupa ang baha sa ilang mga lugar sa lalawigan mula noong panahon pa ng pananalasa ng Bagyong Pepito.