DAGUPAN CITY– Hiling ngayon ng pamilya ng nasawing bodyguard ni dating Pangasinan Governor at Representative Amado Espino Jr na na makamit ang hustisya sa pagkamatay nito matapos tambangan ang convoy ng dating opisyal sa Brgy Magtaking San Carlos kamakalawa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tino Esguerra, ama ni Staff Sergeant Richard Esguerra mula sa Brgy Gayaman Binmaley nais nilang makamit ang karatungan sa sinapit ng anak at hiling na sanay lumantad na ang mga suspek na nasa likod ng naturang pananambang.
Hindi umano nila lubos akalain na ganito ang sasapitin ng anak na ginagampanan lang ang tungkulin lalot isa aniya itong mabait na tao.
Patunay aniya rito ang mga papuri na kaniyang naririnig mula sa kaibigan ng mga anak na dumadalaw sa burol nito ngayon sa kanilang tahanan.
Siya aniya bilang ama nito, ay walang masabing hindi maganda dito dahil isa itong masunurin at mabuting anak.
Bilib din umano siya rito dahil sa mga huling sandali ng kaniyang buhay ay inialay niya ang sarili sa pagganap sa tungkulin.
Napag-alaman na si Esguerra ay pangalawa sa anim na magkakapatid at pinangarap na noon pa ang maging isang pulis.
Naitalaga din ito sa Infanta PNP bukod pa sa pagiging aid ni dating Governor Espino na mahigit isang taon na ring nanununkulan sa kaniya.
Matatandaan na dead on the spot si Esguerra matapos silang tambangan noong hapon ng Miyerkules ng mga di pa nakikilalang suspek .