-- Advertisements --

Nanawagan ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court (ICC) na ibasura ang bagong apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang lahat ng nagpapatuloy na paglilitis at ipag-utos ang agaran at walang kondisyong pagpapalaya sa dating Pangulo.

Sa isang statement, binatikos ng panig ng drug war victims ang hakbang ng kampo ng dating Pangulo bilang patuloy na pagtatangka para takasan ang hustisiya at pananagutan.

Hinikayat din ni National coordinator of Rise Up for Life and Rights Rubylin Litao ang ICC na ipagpatuloy ang pagkumpirma sa mga kaso at pag-aresto sa mga co-perpetrator ng dating Pangulo sa lalong madaling panahon.

Matatandaan, sa 21 pahinang apela na isinumite ng defense team ni dating Pang. Duterte sa ICC Appeals Chamber noong Nobiyembre 14, hinamon nito ang desisyon ng Pre-Trial Chamber 1 noong Oktubre 23 na nagpapatibay sa awtoridad ng korte para ipagpatuloy ang kaso laban sa dating Pangulo para sa umano’y crimes against humanity kaugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.