LEGAZPI CITY — Ipinagpapasalamat ng pamilya Batocabe ang malaking development sa kaso nang pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.

Kahapon nang kumpirmahin ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang pagsasampa ng patong-patong na kaso laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na sinasabing mastermind sa pagpatay sa kongresista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Justin Batocabe, pinasalamatan nito ang panel of prosecutors ng Camarines Sur dahil sa tibay at lakas ng loob na makuha ang hustisya para sa pinaslang na ama.

Nanawagan naman ang nakababatang Batocabe sa mga husgado sa lalawigan ng Albay na bigyan ng hustisya ang ama at gayahin umano ang ginawa ng Philippine National Police at piskal ng Camarines Sur.

Hangad naman ng pamilya na mailabas kaagad ang warrant of arrest upang maaresto na ang mastermind at gunman sa naturang krimen.

Matatandaang kinasuhan si Baldo at iba pang kasabwat nito ng dalawang counts ng murder at anim na counts ng attempted murder.