-- Advertisements --

Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Albay na tuloy-tuloy ang kanilang mga hakbang upang maibalik ng mas mabilis ang supply ng kuryente sa lalawigan .

Ito ay matapos ang naging pananalasa ng Bagyong Uwan kahapon.

Ayon kay Governor Noel Rosal, nakikipag-usap na ang pamahalaang panlalawigan sa pamunuan ng Albay Electric Cooperative (ALECO) upang mapabilis ang pagpapanumbalik ng kuryente sa lahat ng apektadong lugar.

Pinuri rin ng gobernador ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang mabilis na pagresponde, lalo na sa maayos na paglikas ng mga residente bago pa man dumating ang bagyo.

Sinabi ni Rosal na ito ay patunay na mahusay ang sistema ng Albay sa pagresponde sa mga kalamidad.

Dagdag pa ng gobernador, maglalabas sila ng Decampment Order kapag sigurado nang ligtas ang mga lumikas, at inaasahang maipatutupad ito bukas ng umaga.

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa mga evacuation center ang mga residenteng apektado ng bagyo.