-- Advertisements --

Tumatakas na ang mga Palestino mula sa ilang parte ng Gaza City matapos simulan na ng Israel ang unang yugto ng kanilang planadong ground offensive.

Daan-daang Palestino sa Al-Zeitoun at Al-Sabra neighborhood ng Gaza City ang lumikas patungong hilagang-kanlurang parte ng siyudad matapos ang matitinding pambobomba sa lugar na ikinasira ng mga bahay, at ikinasawi ng dose-dosenang katao kabilang ang mga pamilyang nasa tent at kabahayan gayundin ang ilang mga inosenteng bata, base sa international media.

Ayon sa tagapagsalita ng Israeli Defense Forces, nagkasa na ng operasyon ang kanilang mga tropa sa Seitoun at Jabalia areas para sa occupation plan matapos aprubahan ni Defense Minister Israel Katz noong Martes. Aabot sa 60,000 reservists ang pinatawag sa pagsisimula ng Setyembre para ideploy kasama ng active-duty personnel para sa operasyon.

Inihayag naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pinaikli nito ang timeline para makubkob ang tinawag niyang huling kuta ng teroristang Hamas sa Gaza.

Sa isang statement, inakusahan ng Hamas si Netanyahu sa pagpapatuloy ng brutal na giyera laban sa mga inosenteng sibilyan sa Gaza City at binatikos ang pagbalewala niya sa panukalang ceasefire mula sa regional mediators.

Una rito, nakontrol ng mga tropang sundalo ng Israel ang labas ng Gaza City na tahanan ng mahigit isang milyong mga Palestino, matapos ang ilang araw na matinding pambobomba at artillery fire.