Nagsimula nang magsibalikan ang libu-libong Palestinians sa kani-kanilang mga tahanan sa hilagang parte ng Gaza matapos na ganap nang maging epektibo ang ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas nitong Biyernes, Oktubre 10.
Matiyagang nilakad ng maraming Palestino bitbit ang kanilang mga bagahe ang mahaba at maalikabok na daanan mula sa timog patungong northern Gaza. Ang iba naman ay nakasakay ng bisikleta o kotse.
Bagamat ang madadatnan nila ay ang nawasak nilang mga tahanan na iniwan ng dalawang taong giyera, isang ginhawa ito para sa kanila na sa wakas ay makakabalik na sila sa kani-kanilang tahanan at umaasang ito na ang simula ng tunay na pagwawakas ng giyera.
Para sa maraming residente rin ng northern Gaza, ito na ang ikalawang pagkakataon na muli nilang tatangkaing makabalik sa kanilang mga tahanan kasunod ng huling ceasefire noong Enero.
Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF) spokesperson, pinayagan na ang mga mamamayan na bumalik mula sa timog patungong norte sa pamamagitan ng pagdaan malapit sa baybayin ng Al-Rashid Street at Salah al-Din road sa sentro ng Gaza Strip.
Kinumpirma naman ni Gaza civil defense spokesman Mahmud Bassal na nasa 200,000 Palestino na ang nakabalik sa northern Gaza simula nang maging epektibo ang ceasefire.
Samantala, isang oras matapos magsimula ang ceasefire sa Gaza, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na makalipas ang dalawang taong pakikipaglaban para makamit ang kanilang layunin sa giyera, malapit na nilang makamtan ang isa sa kanilang pinakamithiin, at ito ay maiuwi na ang mga bihag ng Hamas, buhay man o patay.
Hindi umano nila ito maisasakatuparan, kung wala ang hindi matatawarang tulong ni US President Donald Trump at kaniyang staff na masigasig na trinabaho ang pagkamit ng ceasefire sa pagitan nila ng Hamas. Gayundin kinilala ni Netanyahu ang katapangan ng kanilang mga sundalo na pumasok sa Gaza na nagdala sa kanila sa puntong ito.