-- Advertisements --

Kapwa nagbunyi ang mga mamamayan sa Israel at Gaza kasunod ng pagkakasundo na ng Israel at grupong Hamas sa ceasefire agreement.

Kung saan nagtipun-tipon ang mga nagbubunying mamamayan sa Hostages Square sa Tel Aviv sa Israel para ipagdiwang ang kasunduan.

Marami ring Israeli ang nagpahayag ng kasiyahan na mapapalaya na ang mga bihag na nasa puder ng Hamas at sa wakas ay makakauwi na sa kanilang tahanan makalipas ang dalawang taon.

Sa Gaza naman, ipinagdiwang din ng Palestinians ang kasunduan, at umaasang magdadala na ito sa tuluyang pagwawakas ng mapaminsalang pag-atake ng Israel sa kanilang teritoryo.

Nagtipun-tipon din ang mga tao malapit sa Nasser Hospitals sa Khan Younis para ipagbunyi ito, nagpapalakpakan at nagche-cheer.

Subalit sa kabila ng kasunduan, hindi maiwasan pa rin ng mga mamamayan sa Israel at Gaza na mangamba na masira ang naturang kasunduan.

Ito ay matapos ipag-utos ng Israeli military sa kanilang mga sundalo na maghanda sa anumang posibleng pangyayari habang binalaan naman ang Palestinians sa Gaza na huwag munang bumalik sa hilagang parte o lumapit sa mga lugar kung saan naka-istasyon ang mga sundalo ng Israeli Defense Forces.

Sa kabila din ng mga selebrasyon, iniulat ng ilang mamamahayag sa Gaza na patuloy pa rin ang pambobomba ng Israel lalo na sa Gaza City.

Matatandaan, nauna ng inanunsiyo ni US President Donald Trump na lumagda na ang Hamas at Israel sa unang yugto ng ceasefire agreement gabi ng Miyerkules.

Kabilang sa kasunduan ang pagpapalaya sa lahat ng mga bihag na hawak ng Hamas at pag-atras ng mga tropa ng Israel.

Nakikita namang magbibigay daan ang kasunduan para matuldukan na ang giyera, mapalaya na ang mga bihag at preso sa Israel at Gaza at mapayagan na ang pagpasok ng mga humanitarian aid sa Gaza.