Tumaas ang kumpiyansa ni US President Donald Trump na mas malapit na kesa dati ang pagdedeklara ng pagwawakas ng giyera sa Gaza.
Ito ay matapos pumayag si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa 20-point plan na isinapubliko sa unang pagkakataon, na naglalatag ng parameters ng ceasefire.
Bagamat nangangailangan pa ang naturang ceasefire proposal na malagdaan ng kampo ng Hamas.
May ilang probisyon na nakapaloob sa plano ang nauna ng tinutulan ng Hamas, subalit umaasa pa rin si Trump na makalipas ang halos dalawang taon ng giyera, makakamit na ang pagwawakas sa sigalot na nag-iwan ng libu-libong nasawi at malawak na pinsala sa Gaza.
Ilan sa nakapaloob sa plano ang panawagan para sa pagpapalaya ng lahat ng natitirang bihag na hawak ng Hamas, buhay man o patay, sa loob ng 72 oras mula nang tanggapin ng Israel ang kasunduan, na nangangahulugang nag-umpisa na rin ang oras ng Hamas para magpasyang pumayag sa kasunduan.
Nagbabala din sina Trump at Netanyahu hinggil sa mabigat na consequence sakaling tutulan ng Hamas ang naturang plano.
















