Tiniyak ng Malacañang na may sapat na pondo at kakayahan ang Department of Health (DOH) sa paglaban nito kontra sa sakit na dengue.
Pahayag ito ng Malacañang matapos ideklara ng DOH ang national epidemic sa dengue dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga tinatamaan nito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, naniniwala silang maayos na ginagampanan ng DOH ang kanilang mandato para masugpo ang naturang sakit.
Ayon kay Sec. Panelo, pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng natatamaan ng dengue ay nabibigyan ng kaukulang lunas.
Nabatid na batay sa datos ng DOH, aabot na sa 146,000 ang naitalang kaso ng dengue kung saan mahigit 600 sa mga pasyente ang nasawi.
Kung ikokompara noong nakaraang taon, nasa 98 porsiyento ang itinaas ng kaso nito sa bansa ngayong 2019.
Samantala, hinimok ni TINGOG Party-list Representative Yedda Marie Romualdez ang ahensya na magpatupad ng integrated action mula sa national hanggang sa barangay level laban sa dengue.
Mahalaga ayon kay Romualdez na magkaroon ng komprehensibong dengue outbreak response plan ang DOH kasunod ng pagdedeklara ng national dengue epidemic.
Sinabi ng kongresista na kailangang pangasiwaan ang clinical care, epidemiological, laboratory at vector surveillance, at risk communication sa tulong ng national government.
Bukod pa ito sa inilatag na integrated framework ng mga opisyal ng DOH sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng nasabing nakakamatay na sakit.
Inihalimbawa ng kongresista ang pamamahagi ng dengue rapid test kits sa Tacloban City, isa sa mga lugar sa bansa na may mataas na kaso ng dengue.
Ang test kits na ito ay makakatulong sa maagang pagtukoy kung ang isang tao ay may dengue at para agad na malapatan ng lunas ang mga ito.
Nabatid na ang dengue rapid test ay nagkakahalaga ng mahigit P1,000 sa mga pribadong klinika pero libre itong ipinamamahagi sa Leyte. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)