-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang sa business community na aktibong kumikilos ang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang labanan ang korapsyon at palakasin ang transparency at pananagutan sa burukrasya.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, may mga inisyatiba na ang administrasyong Marcos laban sa korapsyon.

Kabilang sa mga binanggit ni Castro ay ang paglulunsad ng Sumbong sa Pangulo website at ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 upang magsagawa ng imbestigasyon sa mga kuwestyonableng proyekto sa flood control at iba pang imprastruktura.

Ipinunto rin Castro ang pagpapalabas ng freeze orders sa mga ari-arian ng mga sangkot sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon, pati na rin ang pag-isyu ng Immigration Lookout Bulletin Orders (ILBOs) at rekomendasyong magsampa ng kaso laban kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Tungkol naman sa panawagang bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang ICI, sinabi ni Castro na susuportahan ni Pangulong Marcos ang mga hakbang na magbibigay ng karagdagang awtoridad sa komisyon basta’t ito ay para sa kapakanan ng publiko.

Nananawagan ang mga pangunahing business organization sa bansa na agarang kumilos ang Pangulo laban sa korapsyon.