Nakikipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa Phivolcs upang gawing batay sa siyensya ang pagpapasya sa suspensyon ng klase tuwing may lindol o kalamidad.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng koordinasyon na tiyaking ligtas ang mga estudyante habang tuluy-tuloy ang pag-aaral.
Kasama si Phivolcs Director Renato Solidum, tututukan ng DepEd ang mga paaralang malapit sa fault lines para mapatatag ang mga ito laban sa lindol.
Pinaplano rin ang pagtatayo ng DepEd Command Center para sa mas mabilis na monitoring at disaster response, habang sinasanay ang mga tauhan sa pagsusuri ng kaligtasan ng gusali.
Magkatuwang din ang DepEd at Phivolcs sa paggawa ng mga science-based advisory upang labanan ang maling impormasyon tuwing may krisis.
Batay sa ulat ng DepEd-Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), 1,140 paaralan sa walong rehiyon ang nasira ng mga lindol, o umaabot sa 7,575 silid-aralan at tinatayang ₱4 bilyon ang halaga ng pagkukumpuni.
Pinakamalubha ang pinsala sa Davao Region, kung saan lumipat muna sa modular learning ang mga apektadong paaralan habang nagtatayo ng pansamantalang silid-aralan.