Nilinaw ng Malakanyang na nananatiling may pananagutan sa batas ang mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sakaling mapatunayang sangkot sila sa anumang paglabag.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, bagama’t tumatanggap pa rin ng pensiyon mula sa gobyerno ang mga retiradong opisyal, hindi ito nangangahulugang ligtas na sila sa pananagutan sa ilalim ng batas.
Subalit sinabi pa ni Castro na kung may kasong kriminal na kinasasangkutan, tanging ang korte lamang ang may kapangyarihang magpataw ng kaukulang parusa.
Samantala, dumistansiya ang Palasyo sa isyung pension cut sa mga retiradong heneral at opisyal ng armed forces of the philippines, na nagpapakalat ng fake news laban sa gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, na ang usaping ito ay nasa kamay ng AFP.
Sinabi ni Castro na mas mabuti aniyang hayaan na munang pag aralan ng AFP ang bagay na ito.
Sa ngayon, ayon kay Castro wala pa namang pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos jr hinggil sa nasabing isyu.
Ang pahayag na ito ni Castro ay sa gitna na rin ng ilang ulat na diumano, may ilang retiradong heneral ang nanghihikayat sa publiko na bawiin ang suporta sa administrasyong marcos dahil sa mga insidente ng katiwalian at korapsyon.
Bilang tugon, sinabi na ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na pinag aaralan ng kanilang legal unit kung may pananagutan ba sa ganitong mga pangyayari ang mga matutukoy na dating opisyal ng militar at kung maaaring bawian ng pension ang mga ito.