Tiniyak ng Malacañang na nakatutok ang national government sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense sa sitwasyon sa Mindanao kasunod ng panibagong lindol na nangyari nitong umaga.
Batay sa initial report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa Malacañang, naitala sa magnitude 6.6 ang lindol at natagpuan ang epicenter sa Tulunan, Cotabato.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno at local government units ay nagsasagawa ng rapid damage assessment at needs analysis sa mga apektadong lugar at komunidad para sa kinauukulang rescue and relief operations.
Ayon kay Sec. Panelo, hinihikayat nila ang mga mamamayan para manatiling kalmado pero maging alerto lamang sa sitwasyon.
Kasabay nito, pinayuhan nila ang publiko na iwasang magpakalat ng maling impormasyon na maaaring magresulta ng alarma, panic at stress sa mga mamamayan.
“We ask our citizens to remain calm but vigilant and we urge them to refrain from spreading disinformation that may cause undue alarm, panic and stress to many people. We also urge them to monitor developments through the alerts and bulletins of official govenerment channels,” ani Sec. Panelo. (photo from Bombo Garry Fuerzas)