Umaapela ang Malacañang sa Philippine Red Cross (PRC) na maghinay-hinay sa paniningil sa utang ng PhilHealth.
Pahayag ito ng Malacañang matapos sabihin ni Red Cross Chairman at Sen. Richard Gordon na dapat na bayaran ang natitirang kahalating bilyong pisong utang para maging maayos muli ang COVID-19 swab test sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, may nakatabing pondo ang PhilHealth na pambayad utang pero kailangan muna ng submission of requirements alinsunod sa audit regulations ng Commission on Audit (COA).
Kailangan din umanong hintayin muna ang pinal na legal opinion ng Department of Justice (DOJ) na ngayon ay nagsasagawa pa ng pag-aaral sa kasunduan ng PhilHealth at Red Cross.
Inihayag pa ni Sec. Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nangako sa Red Cross na babayaran ang utang ng PhilHealth basta ituloy lamang ang swab test sa mga OFWs.