Hinihikayat ng Malacañang ang mga nawalan ng trabaho sa gitna ng health crisis sa bansa na tangkilikin ang mga pautang ng pamahalaan para makapagsimula ng sariling negosyo.
“Iniengganyo po natin lahat ng nawalan ng trabaho na umutang ng kapital para magsimula ng kanilang sariling negosyo,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni Sec. Roque, nariyan ang pautang ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at Department of Finance (DOF).
Ayon kay Sec. Roque, hindi magkukulang ng sources of funding ang pamahalaan maging ang mga micro finance institutions, suportado man ang mga ito ng pamahalaan o pribadong sektor.
Maliban sa mga ito, nandiyan din ang AKAP at TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na handang umalalay sa mga nawalan ng trabaho.