-- Advertisements --

Pinamamadali na ng Malacañang sa Kongreso ang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na layong taasan ang parusa sa mga mapapatunayang guilty sa child trafficking.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, prayoridad ng Duterte administration na papanagutin ang sinumang indibidwal o grupo na sangkot sa child trafficking.

Ayon kay Sec. Nograles, nais ni Pangulong Duterte na taasan at bigyang pangil ang batas na nagpaparusa sa mga child traffickers kung saan marapat na itong maging non-bailable offense.

Ipinaliwanag ni Sec. Nograles na sinisira ng child trafficking ang kinabukasan ng mga kabataan kaya dapat lamang protektahan sila ng estado.

Magugunitang sa pagbubukas ng 18th Congress, ilang mambabatas ang humirit na amyendahan ang Republic Act 10364 partikular si Sen. Panfilo Lacson na naghain ng Senate Bill No. 27 na nagsusulong buhaying ang death penalty at isama sa parusang bitay ang qualified trafficking habang si Sen. Ramon Revilla ay naghain naman ng Senate Bill No. 45 kung saan pinatataasan ang parusa sa mga lumabag sa child abuse, exploitation at discrimination.