Nakikiisa ang Malacañang sa paggunita at pagbibigay-pugay sa mga bayaning sundalo at pulis na nagbuwis ng buhay para mapalaya ang Marawi City mula sa mga terorista.
Ngayong araw, eksaktong tatlong taon mula ng lusubin ng ISIS-Maute terror group ang lungsod ng Marawi kung saan maraming buhay ang naibuwis at ari-arian ang nasira sa digmaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nasimulan na ng Duterte administration ang relokasyon ng mga internally displaced persons (IDPs) at pagtatayo ng mga imprastruktura.
Ayon kay Sec. Roque, batay sa report ng Task Force Bangon Marawi (TFBM), nakapag-programa na ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang 4,866 transitional shelters para sa mga IDPs at 2,911 units na ang okupado nitong January 2020.
Ang mga natitirang balanse ng housing units ay patapos na at inaasahang makompleto sa katapusan ng taon.
Samantala, ang rekonstruksyon ng Mapandi Bridge na siyang naging sentro ng mga naunang giyera ay 100 porsyento ng kompleto.
Aminado ang opisyal na ang pagbangon at pagtatayong muli ng Marawi City ay masalimuot at hindi madali kaya nagpapasalamat sila sa mga mamamayan ng lungsod sa kanilang pasensya at suporta sa gobyerno.
Labis din umano silang nagpapasalamat sa mga partners at kaalyado sa patulong na pakikipagtulungan sa administrasyon para sa matagumpay na rehabilitasyon ng Marawi.
“Today, as we remember Marawi, we pay tribute to the heroism of our fallen men in uniform during the siege of the Islamic City. The Duterte Administration has already made inroads in relocating internally displaced persons (IDPs) and building the key infrastructures of Marawi,” ani Sec. Roque.
“The task of rebuilding Marawi remains enormous. We thank the people of Marawi for their patience and support to the government as we are also grateful to our partners and allies for continuously working with the Administration to ensure Marawi’s successful rehabilitation.”