-- Advertisements --

Aminado si Press Secretary Trixie-Cruz Angeles na sumama ang loob ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa mga nangyari sa loob ng Sugar Regulatory Administration matapos ang isyu ng illegal na paglalabas ng resolusyon para makapag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Ipinaliwanag ni Angeles na lumalabas kasi na tila gustong i-mislead ng SRA officials ang pangulo.

Subalit sa kabila nito, patuloy umanong binabalanse ni Pangulong Marcos ang lahat dahil may ibang mga bagay pa itong dapat din tutukan.

Sinabi ni Angeles na nanatiling objective at patas ang Pangulo kaya hinahayaan niyang gumulong ang imbestigasyon sa naturang isyu nang hindi ito nakikialam.

Habang gumugulong ang imbestigasyon sinabi ng press secretary na abala ang pangulo sa iba nitong trabaho bilang lider ng bansa.

Nabatid na una nang inanunsiyo ni Angeles ang pagbibitiw sa puwesto ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Palasyo sa lumabas na resolusyon para makapag-angkat ng libo-libong metriko tonelada ng asukal gayung wala pala itong basbas mula sa Pangulo.