Ipinanawagan ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapalakas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo at kagamitan upang mas epektibong matukoy at maagapan ang mga money laundering schemes at iba pang financial crimes.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na mahalagang mabigyan ng karagdagang kakayahan ang ahensya upang matigil ang mga tiwaling gawain, kabilang na ang mga anomalya sa flood-control projects.
Aniya, kung na-detect agad ng AMLC ang mga kahina-hinalang transaksyon kaugnay ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lalo na ang paggamit ng mga casino para sa money laundering, mas maagang naaksyonan ang mga iregularidad.
Kabilang din sa binanggit ng senador ang kaso ng Chinese national na si Guo Hua Ping, o mas kilala bilang Alice Guo, na nakapagpatayo ng P7-bilyong POGO facility sa Bamban, Tarlac dahil umano sa kakulangan ng agarang pagtukoy ng AMLC sa mga kahina-hinalang galaw ng pera.
Dahil sa dami ng transaksyong mino-monitor ng AMLC na umaabot sa 150,000 kada taon, suportado ni Gatchalian ang pagbabalik ng P162-milyong pondo na ibinawas mula sa budget ng ahensya sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2026.
 
		 
			 
        















