-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inaasahan na ang desisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang dalawang Philippine Business Bank (PBB) accounts na jointly pagmamay-ari nina Surigao del Sur 1st District Congressman Romeo Salazar Momo Sr. at Congressman Tirso Edwin Loleng Gardiola, dahil sa alegasyong may kaugnayan ang mga ito sa kuwestiyonableng pondo at katiwalian sa mga flood control projects.

Ayon kay petitioner Atty. Mary Helen Zafra, hindi na nakapagtataka ang naturang desisyon lalo na’t nakita ng AMLC na ang mga nasabing account ay bahagi ng 1,193 na mga bank accounts na konektado sa mga contractor firms ni Gardiola, partikular ang Newington Builders Inc., Lourel Development Corp., at S-Ang Construction and General Trading Inc., na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa mga alegasyon ng korapsyon at money laundering.

Ang dalawang kongresista ay nakalista bilang joint account holders at isinama sa freeze order dahil sa hinalang ginamit ang mga accounts sa paggalaw ng mga pondong hindi malinaw ang pinagmulan.

Dagdag pa nito, hinihintay na lamang nila ang pag-freeze ng iba pang bank accounts ni Momo at ng kanyang pamilya, gayundin ng kanilang mga korporasyon, na base sa kanilang imbestigasyon ay umaabot na sa tatlo, dahil sa kasong kanilang isinampa sa Office of the Ombudsman.

Dagdag pa ni Atty. Zafra, kuwestiyonable kung bakit ang isang politiko ay may joint account sa kapwa politiko, taliwas sa mga business partners na legal na maaaring mag-joint venture.

Aniya, hindi na maitatanggi ang naturang alegasyon dahil kumalat na ito sa social media, may mga screenshots na, at naiulat na may opisyal na pahayag mula mismo sa mga mambabatas na ang sinasabing joint bank account ay binuksan para sa 2019 elections, kung saan si Cong. Momo Sr. ang No. 1 nominee ng Construction Workers Solidarity Party-List, na sinundan ni Cong. Gardiola bilang 2nd nominee, at may ikatlong indibidwal na kasama nila bilang 3rd nominee.

Bukod dito, sinabi rin ni Atty. Zafra na may hawak na siyang dokumento mula sa Commission on Elections (COMELEC) na nagsasaad na hindi idineklara, alinsunod sa batas, na ang tatlong indibidwal ay may joint account na umano’y inilaan para sa 2019 Elections.