Humihingi ng P500 milyon na danyos si Presidential Communications Office (PCO) Press Officer Claire Castro laban kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste dahil umano sa “pagkasira ng kanyang integridad” bilang opisyal ng Palasyo.
Ayon kay Castro, ito ay tugon sa internet post ni Leviste kung saan sinabi ng kongresista na wala siyang obligasyon na bayaran ang “sleepless nights at anxiety” na idinulot umano ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya, ngunit handa raw siyang sagutin ang medical expenses kung kinakailangan.
Giit ni Castro, bahagi ng kanyang counterclaim ang malaking halaga ng danyos dahil naapektuhan umano ang kanyang reputasyon.
Ang alitan ay nag-ugat sa naunang civil libel complaint na isinampa ni Leviste laban kay Castro, kung saan inaakusahan niya ang opisyal na nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanyang mga negosyo sa sektor ng enerhiya.
Sinasabi ni Leviste na pinalalabas umano ni Castro na ilegal niyang naibenta ang franchise ng Solar Para Sa Bayan Corp. (SPBC), habang iginiit naman ng kampo ng kongresista na walang basehan ang naturang paratang.
Patuloy na umiinit ang legal na sigalot sa pagitan ng dalawang panig habang nakabinbin pa ang mga kasong may kaugnayan sa isyu.(report by Bombo Jai )
















