Napagdesisyunan ng Estados Unidos, South Africa at European Union na pansamantalang itigil ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine na gawa ng pharmaceutical company na Johnson & Johnson matapos ang mga naglabasang ulat na ilan daw sa mga naturukan nito ang nakaranas ng blood clots.
Anim na kaso ang napag-alaman ng U.S. Food and Drug Administration sa halos 6.8 million doses ng bakuna. Ang mga ito ay naitala sa mga kababaihan na nasa edad 18 hanggang 48-anyos kung saan ang sintomas ay lumalabas tuwing ika-anim hanggang 13 araw matapos bakunahan.
Hindi na rin muna itutuloy ng nasabing kumpanya ang vaccine rollout nito sa EU na noong nakaraang linggo lang nagsimula.
Ayon sa FDA, inirerekomenda nito ang temporary pause sa Johnson & Johnson vaccine biglang precautionary strategy ng kumpanya. Kinumpirma kasi nito na isang pasyente ang namatay dahil sa naranasang blood clotting complications, habang isa naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Karamihan sa mga bansa ay nag-unahan na mag pre-order ng milyon-milyong doses ng bakuna at illang bansa lang din ang pumayag sa paggamit nito.
Sinabi ni Dr. Anthony Fauci, COVID-19 adviser ng Amerika, masyado pang maaga para magbigay sila ng komento kung dapat na bawiin ang binigay na authorisation para sa bakuna ng Johnson & Johnson.